ANG AKING PATOTOO - Sis. Daisy Sevellena
Ako ay ipinanganak sa bansang Malaysia, doon na rin ako lumaki, bale taga Mindanao po ako. Subalit hindi ko kapiling ang aking mga magulang. Ang lola ko ang nagalaga sa akin, kaya laki ako sa lola. Lumaki ako at nagkaisip na hindi ako nakadama ng pagmamahal ng mga magulang. Solong anak po ako. Naging rebeldeng anak ako napabarkada, sinungaling, mabisyo at umuuwi ng dis oras sa gabi. Pinag-aral ako ng lola ko ng nursing ngunit hindi ko natapos ito. Hanggang dumating yong panahon na pinalo ako ng Panginoon. Binigyan ako ng pagsubok sa buhay. Naranasan kong magmahal sa isang lalaki na hindi naman pala kami puede sa isat isa at dahil doon nabalitaan kong siya'y nagpakamatay. Sa mga oras na yon naging magulo ang isip ko. Naisipan ko din ang magpakamatay. Salamat na lang sa Dios na may malapit akong pinsan na pinayuhan ako na huwag kong gawin ang bagay na iyon. Gusto kong magpakamatay dahil halos lahat ng kamaganak ko, ako ang sinisisi sa pagkamatay niya.
Nagkaroon ako ng pagkakataon na makaalis sa bahay namin at sumama ako sa isa kong tita sa pagluwas sa Myanila. Pumasok ako sa promotion at doon ko nakilala si Laila na dati ng tumanggap sa Panginoon. Marahil niloob ng Dios na mawala ang promotion at nagpasya si Sis. Laila na pumunta kami sa lugar ng Paniqui, Tarlac. Doon ko nakilala sina Bro. Jet at Sis Judith na tunay na mga naglilingkod sa ating Panginoon.
Purihin ang Panginoon sapagkat isa sila sa ginamit ng Panginoon upang magkaroon ng kabuluhan ang aking buhay. Sapagkat inilapit ko sa Dios ang aking buhay at hiningi ko sa Dios ang kapatawaran ng mga nagawa kong mga kasalanan. Sumampalataya ako sa kanya na ako'y pinatawad sa lahat ng kasalanang ginawa ko. Labis akong nagpapasalamat sa ating Dakilang Dios na binigyan nya ako ng kalakasan sa buhay kong ito upang magpatuloy. Alam ko na hanggat narito ako sa mundong ito hindi ako pababayaan ng Dios. Kaya't huwag tayong manghimagod sa paglilingkod sa Kanya. Matuto tayong magtiis sa mga pagsubok sa sanglibutan ito. Kumapit tayo at magtiwala sa Kanya dahil walang ibang makapangyarihan sa lahat kundi Siya lamang. Purihin ang Panginoon.
(Si Sis. Daisy ay ginagamit ng Panginoon ngayon sa ating Radio Ministry bilang anchorwoman ng The Way of Truth Broadcast)
No comments:
Post a Comment