Monday, November 20, 2006

ANG PATOTOO NI SIS. JANE ANNE

Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, mga magulang at mga kaibigan, ibig kong ipatotoo sa inyo ang dakilang pag-ibig na ipinakita ng Panginoon sa akin. Nawa ay maging pagpapala ito sa lahat ng makakabasa lalo na sa mga kabataan at makita nating lahat na totoong may Dios na nagmamahal sa kabila ng ating paglimot.

Ibig kong ipakilala ang aking sarili sa inyo, ako si Sis. Jane Anne Dela Cruz-Barrido, mula sa kongregasyon sa Quezon City at nag-iisang anak ni Sis. Dada Valdivia. Ako ngayon ay may asawa na at isang anak na lalaki.

Tinanggap ko ang Panginoon sa aking buhay sa murang edad. Sa aking kabataan ay nasumpungan ko ang tunay na liwanag na nagmumula sa Dios. Binigyan Niya ako ng katalinuhan upang maintindihan ko ang Kanyang mga salita. Naranasan ko ang kapayapaan sa piling ng ating Panginoon. Isa itong karanasan na hindi natin kayang gawin sa ating mga sarili lamang. Dahilan sa maaga kong pagkakilala sa Panginoon kung kaya hindi ako katulad ng mga kabataan na nalulong sa masamang bisyo, happenings, nightlife, etc… Ako noon ay larawan ng isang tunay na Cristiano, may mahabang buhok, mahabang damit, walang alahas sa katawan at walang kolorete sa mukha, mga bagay na dahilan upang ako ay maging kapansin-pansin. Kapansin-pansin hindi sa paraang hahangaan ako ng iba kundi upang punahin at usisain ang aking panlabas na anyo. Ang mga bagay na ito’y hindi naging madali para sa akin sapagkat nasa gitna ako ng maraming pumupuna. Nag-aral ako sa eskwelahan na marami ang mayayaman at magagaling pumorma. Sadyang kapansin-pansin ang katulad kong kakaiba ang gayak at mahinhin kumilos. Kung tawagin nila ako ay “Juana” na ginawang makaluma ang aking pangalan. Ang lahat ng ito’y tiniis ko para sa Panginoon. Alam kong hindi ako nag-iisa na nakaranas ng mga ganitong pagpuna, maaaring mayroon ding mga kabataang nahulog dahilan sa pressure ng sanlibutan. Sa mundo na puno ng taong tumitingin sa panlabas na anyo at hindi sa puso, mahirap kumilos ang mga may mahinang pananampalataya sa gitna nila. Subalit hindi ito ang naging pangunahing dahilan kung bakit tumalikod ako sa Panginoon. Tulad ng ibang kabataan ay nakaranas ako ng eros love sa isang hindi mananampalataya. Dito ako sinubok sa aking pananampalataya at gumawa ang diablo kaya ako nahulog at bumalik sa kasalanan. Sabi nga sa Biblia, huwag tayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya. Sa halip na makaakay ako ng mga kaluluwa papunta sa Panginoon, ako ang nahila pabalik sa kasalanan. Dahil dito ay maraming tao akong nasaktan, kabilang na ang aking ina. Unti-unting hinanap ng aking puso ang gawain ng sanlibutan. Pinaputulan ko ang aking buhok at nagsuot ako ng damit na hindi kalugod-lugod sa Panginoon. Nakapagsalita rin ako ng mga salitang hindi nararapat. Nawili ang aking puso sa mga paghanga at papuri ng maraming tao, kinainggitan at inidolo ako ng mga kabataang tulad ko. Tumaas ang tingin ko sa sarili ko, nakalimutan ko ang mabuhay na may Dios. Punong-puno ng galit ang aking puso sa mga taong nakasakit ng aking damdamin. Nakikita ko ang kamalian ng iba at ito ay naiipon sa aking puso. Hindi na ako nagdarasal at umasa na lang ako sa aking sariling kakayahan. Natagpuan ko ang aking sarili na malayong-malayo na sa Panginoon. Matagal na panahon akong nawalay sa Kanya at ang kapayapaang dati ay nasa aking puso ay nawala sa akin. Hinanap ko ito sa aking sariling pamamaraan subalit hindi ko ito natagpuan. Nanatili ang bigat sa aking puso. Nagkaroon ako ng kakaibang takot sa aking isipan at ang takot na ito ay umaalingawngaw sa aking pag-iisa. Takot akong dumating ang Panginoon sa mga oras na wala ako sa Kanya. Takot akong mamatay dahil tiyak na sa impiyerno ang punta ko. Mas mabigat ang magiging parusa ko dahil minsan ay nakakilala na ako subalit muling tumalikod. Sa tuwing kumukulog nang malakas at gumuguhit ang liwanag sa kalangitan ay labis ang aking pangamba, baka iyon na ang hudyat ng pagwawakas ng mundo at wala na akong panahon para magsisi. May mga gabing hindi ako makatulog dahil sa mga takot na ito. Bagaman at nalalaman kong malayo ako sa Panginoon, hindi ko agad nagawang lumapit sa Kanya dahil mas pinahalagahan ko ang mga bagay na hindi ko maisuko sa Panginoon.

Sa kabila ng pagtalikod ko sa Dios, kailanman ay hindi Niya ako pinabayaan. Ako ay maluwalhating nakatapos ng pag-aaral, nagkaroon ng mataas na posisyon sa trabaho at hindi kami nagkulang sa mga materyal na bagay. Ninais kong makapag-asawa ng isang mabait at responsableng lalaki at iyon ang ibinigay Niya sa akin. Ginusto ko ang isang anak na lalaki, hindi siya agad na ipinagkaloob sa amin subalit ayon sa Kanyang kagandahang loob ay ibinigay din Niya ayon sa Kaniyang panahon. Nakapagpundar kami ng pansamantalang tirahan sa sanlibutang ito. Nakikita ko ang kabutihan ng Panginoon subalit wala akong ginawa na sapat upang maibalik ang pasasalamat sa Kanya.

Isang araw ng Linggo, July 2, 2006, sa pagitan ng 9:00 hanggang 10:00 ng umaga sa aming maliit na hardin na ito ay isang kamanghamanghang bagay ang nangyari sa akin. Ako ay kasalukuyan noong naggugupit ng bermuda grass nang makaramdam ako ng kakaibang pakiramdam. Makailang ulit akong nagpalakad-lakad papasok at palabas ng bahay. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, tila ako’y nalulungkot subalit may pagkasabik sa kung anong bagay na hindi ko nalalaman, hindi ako mapakali, balisa, may sumusumbat sa aking konsensya, pagod subalit malakas, naiinitan ngunit giniginaw. Hanggang sa muli akong naupo at ipinagpatuloy ang paggugupit ng damo. Sa ilang saglit ay tila nawala ako sa kamalayan subalit patuloy pa rin ako sa aking ginagawa. Nakita ko ang image ng Panginoon sa aking tagiliran sa gawing kaliwa kung saan ako nakaharap habang naggugupit ng damo. Nanatili akong nakatungo at hindi ako makatingin sa Kanya. Bagaman at tila wala akong malay ay gising na gising ako. Ang Kaniyang kasuotan ay puting-puti na nagliliwanag sa kaputian. Walang kahit anong bagay sa mundong ito na maihahalintulad sa kaputian ng Kaniyang damit. Ang Kaniyang mukha ay walang anyo at napakaliwanag sa Kaniyang kaluwalhatian. Siya ay hugis tao ngunit Espiritung nakalutang sa hangin at malapit Siya sa akin. Sa aking pagkakaupo ay bahagya lang na mataas ang posisyon Niya. Narinig ko ang kanyang tinig, isa itong maganda at buong-buong boses ng isang lalaki. Sinabi Niya sa akin, “Ibinigay ko sa iyo ang mga bagay na ninasa ng iyong puso, ano pa ang dahilan kung bakit hindi ka pa bumabalik sa Akin? Ano kaya kung kunin Ko ang isa sa mga mahal mo sa buhay?” Pagdaka’y nakita ko ang aking asawa na nadisgrasya sa kanyang trabaho sa barko. Sa ilang saglit ay nakita ko ang aking anak na mahina ang katawan at nababalot ng lampin ngunit lumakas hanggang sa nilagnat nang husto. Sumunod ang aking ina na nakaupo sa isang ospital at nanghihina dahil sa karamdaman. Ang huli ay ang aking lolo at lola na nagkasakit ngunit pinagaling din. Pagkatapos ng ilang sandali ay bumalik ako sa aking sarili. Nakita ko ang pangitaing ito na tila nanonood ako ng TV. Ako ay labis na natakot at hindi ko napigilan ang pag-iyak ng mga sandaling iyon. Lahat sila ay lubhang mahalaga sa akin at ayaw kong mawala ang isa man sa kanila nang wala sa panahon. Umakyat ako sa aking silid at napasubasob sa pag-iyak. Hindi lang ako umiyak kundi ako ay tumangis ng buong pagsisisi sa aking nagawang pagtalikod sa Dios. Ito ang ipinakitang paraan ng Dios upang ako ay bumalik at hindi Niya kunin ang isa sa mga mahal ko sa buhay. Umiyak ako sa Panginoon at halos mawalan ng ulirat. Pakiramdam ko ay isa akong basahan sa harapan Niya na walang silbi at hindi man lang marapat pagtuunan ng pansin. Pero sa kabila nito ay pinili ako ng Panginoon upang ipakita ang Kanyang kaluwalhatian. Pagkatapos nito ay naramdaman ko ang Kaniyang pagpapatawad at gumaan ang dati kong nabibigatang puso. Sa aking pagtayo ay nakadama ako ng pangako na hindi Niya kukunin sa ngayon ang mga taong mahalaga sa aking buhay.

Nakita ko ang Kaniyang kaluwalhatian. Ito ay totoo sapagkat sukat na nabagong muli ang aking buhay. Ang Kaniyang babala ay nagbigay ng takot sa akin sapagkat bago nangyari ang araw ng Kaniyang pagpapakita ay totoong nagkaroon ng disgrasya ang aking asawa. Bagaman at hindi ko nalalaman kung ito ay malala o hindi ay labis akong nag-alala sapagkat nasa malayo siya. Nang mga sandali ring iyon ay kasalukuyang may lagnat ang aming anak. Ang aming anak ay ipinanganak kong kulang sa buwan, siya ay walong buwan lamang. Siya ay naiwan pa sa ospital sapagkat inobserbahan pa kung kakayanin ng kaniyang katawan ang iuwi siya sa aming bahay. Siya’t napakaliit at payat na payat. Ako ay lubhang nabahala sapagkat matagal kong hinintay ang magkaroon ng anak at baka mawala rin siya sa amin. Ang aking ina naman ay matagal nang may breast cancer at diabetes. Nagkaroon na rin ng kumplikasyon sa ibang parte ng kanyang katawan. Ilang araw bago magpakita sa akin ang Panginoon ay inatake siya ng matinding sakit na dulot ng kanyang breast cancer habang nasa Samar. Naroon siya upang gumawa sa Panginoon. Ang bagay na ito ay hindi ko nalaman. Lubha akong nabagabag sa sinabi ng Panginoon na kukunin Niya ang isa sa aking mga mahal sa buhay sapagkat ilang araw na akong binabagabag ng masamang pakiramdam. Dahilan sa pagbabalik ko sa Panginoon ay isang pangako ang iniwan Niya sa akin at iyon ang aking inaasahan – hindi Niya kukunin ang aking mga mahal sa buhay nang wala sa panahon!

Maraming salamat sa ating Panginoon sa mga himalang ginawa Niya sa buhay ko. Purihin ang Dios magpakailanman!

No comments: