Wednesday, January 31, 2007

17TH YEAR ANNIVERSARY OF THE CHURCH OF GOD AT SAN RAFAEL, BULACAN

Ang ika-17 taong anibersaryo ng Iglesia ng Dios sa San Rafael ay naganap noong Enero 28, 2007. Masiglang naghahanda ang mga kapatiran sa lugar na ito ng dumating ang mga kapatid na mula sa Sta. Maria at Norzagaray, Bulacan. Kasunod nila ay ang mga kapatid na mula sa Paniqui, Tarlac na sina Bro. Jet, Sis. Mryna Asuncion, Bro. Manet, Bro. Sergio Santos at Sis. Nora Bandola. Ilang sandali pa ay dumating na rin ang mga taga Quezon City, Signal Village, Taguig City at Bicutan, Taguig. Mababakas ang kagalakan sa mukha ng mga kapatid habang nagbabatian ng banal na halik ang bawat isa.
Nagpasimula ang gawain sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno sa pangunguna ni Sis. Yeyet Barro. Malugod na tinanggap ang mga kapatid sa kanilang pagdalo sa anibersaryong ito. Pinangunahan ni Bro. Jet ang panalangin at sa kanyang panalangin ay damang-dama namin ang pangunguna ng Espiritu Santo.
Nanguna si Sis. Meldy Santiago, pastor ng Sta. Maria, Bulacan sa Paaaralang Lingguhan. Ipinaliwanag niyang mabuti ang tungkol sa Iglesia na siyang Ina nating lahat. Sa tulong ng mga kapatid naipaliwanag na mabuti ito sa mga kapatiran. Na ang pangunahing tungkulin ng Iglesia ay manganak, nangangahulugan na ang kanyang Iglesia ay gagamitin ng Diyos sa ikalalapit ng mga kaluluwa upang maligtas.

Pinangunahan ni Sis. Marilou Dela Cruz isang matapat na ministro ng Iglesia ng Dios dito sa San Rafael. Bakas na bakas ang kagalakan sa kanyang mukha sa muling pagsapit ng kanilang anibersaryo. Nagbigay ng patotoo si Bro. Nestor na isang ama dito at matapat na naglingkod sa lugar na ito. Nagbigay ng mga tanging awit ang congregasyon ng Norzagaray , Signal at Sta Maria. Isinalaysay ni Sis. Marilou ang maikling kasaysayan kung paano naitatag ang Iglesia ng Dios dito. Sa kanilang maliit at preskong kapilya ay sinariwa ang labing-pitong taong katapatan ng Dios sa Kanyang gawain sa lugar na ito. Kasunod nito ang ay ang tanging awit na ibinigay ng mga bata sa kongregasyong ito.

Nang maibigay na ng pagkakataon sa mensahero na si Bro. Jet ay nagbigay din siya ng maikling pagbabalik tanaw sa kanyang pag-gawa sa lugar na ito. Siya ang ginamit ng Panginoon sa mga unang taon sa pasimula ng gawain dito. Marami ang tumanggap pero marami din ang tumalikod. Ngunit salamat sa Dios na may naiwang tapat na nagpatuloy sa paglilingkod sa Dios sa lugar na ito. Kung kayat may paisa-isang naidagdag at muling nagbunga ang pagpapapagal ng mga tapat na lingkod Niya.

Ang Mensahe ng Panginoon ay "The Beauty of the Chruch of God can be seen in the Evening Time". Mula sa talata sa aklat ng Ezekiel 34;10-12 at Apoc.14:1-5. Ang kagandahan ng Iglesia ay makikita sa madilim na panahon na ito. Na kung saan laganap ang sekta ng mga relihiyon. Ngunit sa gitna ng kadiliman ay magliliwanag ang kagandahan ng tunay na Iglesia. Makikita ang kagandahan ng pagkakaisa, kagandahan ng kaligtasan. Walang kabilang sa Iglesia na hindi ligtas dahil ang kaligtasan ang paraan upang mapabilang sa Iglesia. Makikita din ang kagandahan ng kalinisan at pagsunod. Ang mga anak ng Dios ay malinis ang pamumuhay at masunurin sa kaloooban ng Dios. Ang kagandahan ng kabanalan at pagibig ay makikita sa Iglesia sa huling araw. Ang kabanalan at pag-iibigan ang namamayani sa ating kalagitnaan . Walang ingitan at pagaaway sa ating kalagitnaan. Ang lubusang napabanal lamang ang makakarating sa Langit. Ito ang binigyang diin sa kanyang mensahe.

Sa panahon ng altar call may 31 kaluluwa ang lumapit. Anim sa mga ito ay nagsisi at ang mga iba'y inihandog ang kanilang buhay sa Panginoon. Purihin ang Panginoon sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa aming kalagitnaan. Tunay na ang Dios ay buhay.

Sis. Armela Palasigue
Nag-ulat

E-MAIL FROM SAUDI ARABIA

Dear Kuya Jet,

Pagbati sa ngalan ng Panginoong Jesus na ating tagapagligtas. Muli po akong sumulat sa inyo upang akin pong maipabot ang taus-puso kong pasasalamat sa Panginoon at sa inyong patuloy na paglilingkod sa Kanya. Salamat po sa patuloy ninyong paghatid ng mga pagpapala sa pamamagitan ng Daan ng Katotohanan. Araw-araw ko pong binubuksan ito at ako po ay napagpapala sa mga mensahe at mga larawan ng mga kapatid na aking nakikita. Tunay po na nagiging hamon sa akin ang mga kapatiran na patuloy na naglilingkod mula noon hanggang ngayon.

Marahil ay marami na ang hindi nakakikilala sa akin. Ako po ay tumanggap sa Panginoon noong 1991 sa aming bahay sa Bagcok, Paniqui sa pamamagitan nina Kuya Manny Yangco at Kuya Florencio. Marami po kaming kabataan na tumangap sa Bagcok at lagi naming nakakasama sa gawain si Ate Judith. Naging aktibo po ako noon sa paglilingkod sa Panginoon kaya nakakasama po ako sa mga revivals, mga overnight at mid-night prayer meetings at naka-attend din po ako ng mga seminar tuwing Abril. Kaya isa pong malaking hamon sa akin tuwing nakikita ko ang mga kapatiran sa larawan na patuloy na naglilingkod. Dahil mula noong ako ay tumanggap sa Panginoon ay nakikita ko na sila hanggang ngayon ay di pa rin nagbago ang kanilang init sa paglilingkod. Tunay nga na walang imposible sa Diyos kung tayo lamang ay magiging tapat sa Kanya.

Malaking pagpapala po ang naibibigay ng Daan ng Katotohanan sa akin dito dahil marami po akong nalalaman tungkol sa Salita ng Diyos at tungkol sa mga gawain diyan sa Pilipinas. Tunay nga na patuloy na lumalago ang Kanyang gawain. Salamat sa mga tunay na anak ng Diyos na patuloy na nagpapagamit upang maging pagpapala sa mga tulad kong nasa malayong lugar at sa mga taong nangangailangan ng hamon.

Nais ko rin pong ipaabot ang aking pasasalamat kina Ate Judith, Kuya Rey at Sis. Nora sa patuloy nilang paglilingkod sa lugar ng Bagcok. Salamat dahil nagpapatuloy po ang gawain sa aming tahanan. Nais ko rin pong pasalamatan ang mga kapatiran sa patuloy nilang pananalangin sa akin at sa aking sambahayan. Salamat din kuya Jet dahil naisama sa Daan ng Katotohanan ang mga kanta na aking ginawa. Kung loloobin po ng Panginoon ay magbabakasyon po ako sa March 20. Isama po ninyo sa panalangin ang nalalapit ko pong bakasyon. Hanggang sa muli ko pong liham. Pagpalain po kayo ng Dakilang Diyos na Buhay.


Nagpapasalamat at Dumadalangin,
Bro. Jaime
(OFW, Saudi Arabia)

Tuesday, January 30, 2007

FUTURE SITE OF OUR CHAPEL (BAGUIO CITY)

Ang Iglesia sa Baguio City ay malilipat sa Lubas Proper La Trinidad, Benguet. Nahipo ang puso ni Bro Melton Ladiocan na ipagkaloob ang kanyang manang lupa mula sa kanyang ama upang mapagpatayuan ng panambahan sa lugar na ito. Ito ay may sukat na 165 sq. meters. May nakatayo ng building ngunit di pa tapos ito. Kaya ipanalangin natin na magkaloob ang Dios ng magugol sa pagpapagawa ng kapilya dito.



God willing dito gaganapin ang pinaplanong Christian Youth Convention sa darating na Abril sa taong ito. Ipanalangin natin ang planong ito na matupad sa tulong ninyo lalong lalo na ng Panginoon.

THE REVIVAL OF MID-NIGHT PRAYER MEETING

Noong mga 1980's at unang taong ng 1990's ginaganap namin ang midnight prayer meeting. Sa panahong yon talagang nadadama namin ang pagkilos ng Espiritu sa aming kalagitnaan.Malapit ang aming mga kalooban. Nadadama namin ang "sweet fellowship" ng mga kapatiran. Ginaganap pa namin ang birthday celebration sa panahong yon.

Hanggang sa naging quarterly na lang ginanap ito at nawala din ang birthday celebrations. Sa puso ng bawat kapatid ninasa namin na maibalik ang bagay na ito. Aming laging naalala ang matamis na pakikisama ng Espiritu Santo at ng mga kapatid. Kaya noong Enero 26, 2007 muli naming ginanap ang gawain ito na nagpalakas at nagpatibay sa aming pananampalataya.

Ayon kay Sis. Josephine Domrique nailagay sa kanyang puso na maibalik ang gawaing ito kaya sinabi niya mga kapatiran ito at pinagkaisahan naman agad ito. (Si Sis. Josephine ay naging studyante ni Bro Jet noong High School Sa Balaoang, Paniqui, Tarlac. Tumanggap siya sa Panginoon noong siya ay Second Year High School pa lamang. Siya ngayon ay Principal na sa isan Elementary School Sa Paniqui South Dist. Napangasawa niya si Bro. Antonio Domrique na siyang pastor ng Barang, Paniqui, Tarlac na naging estudyante din Bro. Jet at isa siyang Agricultural Engineer sa isang kompanya.)

Sa pagbabalik tanaw ng mga nakaraan naalala ni Bro. Ninoy Zabala na kailangang sila ay lumangoy sa ilog sa Barangobong dahil nasira ang tulay noon upang makadalo lamang sa midnight prayer meeting. (Si Bro. Ninoy ay dati ding estudyante ni Bro. Jet. Third Year High School siya ng tumanggap sa Panginoon. Siya ngayon ay Civil Engineer na at isa na siyang contractor).

Naalala din ni Bro. Arnold Ordonio ang matamis na pakikisama ng bawat kabataan sa araw na yon Nasabi niya na hindi lang midnight noon kundi overnight pa. (Si Bro. Arnold, isa pang naging estudyante ni Bro. Jet ay isa ng Elementary Teacher sa public sa Paniqui, Tarlac. Ang kanyang kabiyak ay si Sis. Raquel Guiwa anak ni Ate Edna Guiwa). Noon naglalakad lamang ang mag kabataaan ng mga 3 hanggang 5 kilometro para lamang makadalo sa mga gawain.
Sa gabing ito nadama namin ang pag-ibig ng Dios muli namin inilapit ang aming sarili sa Panginoon. Napagpala kami sa mga patotoo at sa mensahe na ng Dios sa pamamagitan ni Bro. Jet. Ang tema ng mensahe ay "Church of God, Endeavor to keep our Unity". Upang mapanatili ang pagkakaisa kailangang kumilos tayo na iisa na tulad ng katawan. Sapagkat ang Iglesia ay naihalintulad sa isang katawan. Kailangan mabautismo ang bawat isa ng Espiritu Santo upang mapanatili ang pagkakaisa. Sapagkat inaalis nito ang karnalidad, lalo na ang pagkabaha-bahagi at pakampikampi. Ang Bautismo ng Espirtu Santo ang nagbubunga ng pagkakaisa. Upang mapanatili ang pagkakaisa kailangan magkaroon tayo ng pagpapakababa. Kung tayo ay nagkamali handa tayong humungi ng patawad. Ipinagpapauna natin ang kapurihan sa iba. Di natin sinasabi na mas magaling tayo kaysa sa iba. Upang mapanatili ang pagkakaisa kailangan tayong makipagkaisa sa mga kristiano (Psa. 133:1-3). Kailangan ingatan natin ang pagkakaisa ng Espritu at pananamalataya.Maaring tayong magka-isa sa Espiritu ngunit kung minsan tayo ay di nagkakaisa sa doktrina. Kaya kailangang magkaisa tayo sa isang pananampalataya na nasa Bibliya. Nagkakaroon ng dibisyon dahil sa pagkakaiba -iba ng katuruan. Kailangan din ng pagkakasundo ng mga namumuno sa iglesia upang mapanatili ang pagkakisa.

Pagkatapos ng mensahe kami ay nanalangin ng taos puso. Nadama namin ang Espiritu santo sa aming kalagitanaan at kami'y pinagpala ng Dios sa gabing yon. Sa susunod na buwan sa huling biernes gaganapin naming muli ang midnight prayer meeting sa Balaoang Chapel. Idalangin natin ang gawaing ito na lalong maging matagumpay. Purihin ang Dios.
(For more pictures visit http://cogphoto.blogspot.com)

Monday, January 22, 2007

HISTORY OF THE CHURCH OF GOD - Binangonan, Rizal

Sabi sa aklat ni propeta Isaias 55:11a ang ganito:

"Maging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko. Hindi babalik sa akin na walang bunga".


Ayon sa salaysay ni Tatay Ely (Facunla), ay dumating ang Salita ng Dios sa lugar ng Binangonan noong taong 1995, kung saan ay nadestino sila bilang OIC ng mga security guard upang magtanod sa isang pribadong kompanya dito. Dahilan sa pasaning inilagay ng Dios sa kaniyang puso ay isinayos niya ang lingguhang Evangelistic service sa kanilang barracks. Ang kasama niyang mga guwardiya at ilang kapitbahay ang mga nakikinig. Ayon sa kaniya, siya ang song leader, gitarista, pagpapatotoo at preacher na umabot ng dalawang taon na walang tumatanggap. Hanggang nagkaroon sila ng ugnayan ni Kuya Ninoy Zabala ng Balaoang, Paniqui, Tarlac upang mag-joined force sa gawain ng Panginoon sa lugar na ito. Tuwing araw ng Linggo ay nagkakaroon ng regular worship service na ginaganap sa inuupahan naming bahay, hindi na sa barracks. Kaming tatlong (3) magkakapatid ang nakikinig kung minsan ay mayroon din naiimbintang bisita, hanggang sa dumating na rin sa lugar na ito ang buong sambahayn ni Tatay Bert Domondon ng Balaoang Paniqui, Tarlac. Dahil dito masasabi ng isang kongregasyon na ang Binangonan. Ngunit sabi ng mga kapatiran ay isang "outreach " lang daw ang Binangonan dahil wala pang "revival" na naganap bukod doon ay wala pa daw ibang mukha na nadagdag. Kaya ang tawag sa amin noon ay "Immigrant Christians". Ang taguring ito ay nagbigay sa amin ng hamon upang lalo pang gumawa at mag-sumigasig.

Hanggang sa dumating ang Enero 12, 2002 na magkaroon ng isang (1) araw na Special Revival na dinaluhan ng mga kapatid mula sa iba't ibang kapatiran sa Metro Manila. Dumating din sina Bro. Ed Luzong at Uncle Ollen bilang panauhing magbibigay ng mensahe. Sa serbisyong ito may apat (4) na kaluluwa ang lumapit sa pagsisi subalit sila ay natanim sa batuhan at dawagan. Sa puntong ito ay naging ganap na Kongregasyon ang gawain ng Dios sa lugar na ito sa pamamagitan palit-palitang pagbibigay mensahe kapag Sunday Worship Service nila Kuya Ninoy, Tatay Bert at Tatay Ely. At talagang mayroong lumalapit sa pagsisi ngunit sumisibol kapag dakay nalalanta. At mayroon ding nagpapatuloy. Sa ganito umusad ang gawain ng Panginoon sa lugar na ito. Sa tulong ng mga kapatid na nagbigay ng Financial na tulong ay naitayo ang aming kapilya. Salamat sa Dios kay Tatay Bert na kaniyang ipinagkaloob na walang bayad ang espasyo ng pangalawang palapag ng kanilang bahay na siyang kinatitirikan ngayon ng aming kapilya.

Sa ngayon ay hinihiling namin sa lahat ng mga kapatiran na patuloy po ninyo kaming idalangin upang kaming lahat ay makapagpatuloy na taglay ang kagalakan., kasiglahan at pag-ibig sa aming mga puso na lalo pang gumawa sa ubasan ng Panginoon Hesukristo sa lugar na ito ng Binangonan, Rizal. God Bless to all.


Nagsalaysay'


Sis. Jenny Facunla




(Si Sis. Jenny ay anak ni Bro. Ely Facunla, Pastor ng Church of God, Binangonan, Rzal)

Friday, January 19, 2007

ULAT TUNGKOL SA IKA-PITONG ANIBERSARYO NG IGLESIA NG DIOS SA BAGUIO CITY - Bro. Stevenson Timango

Salamat sa Panginoon sa tagumpay ng ika-pitong taong anibersaryo ng Iglesia ng Dios sa Baguio City. Ito ay naganap noong Enero 14, 2007 sa k.m. 4, Asin Road, Baguio City.

Humigit kumulang limampung katao ang mga dumalo na kinabibilangan ng mga kapatiran galing sa Dubai, Tarlac at Pangasinan. Si Sis. Judith Batalla ang itinayo ng Panginoon bilang Sunday School teacher at si Bro. Arnold Ordonio naman ang mensahero. Naging pagpala rin sa bawat isa ang mga dumalong bisita na mga mag-aaral ni Sis. Lovelyn Hogat. Sila'y mga pipi't bingi ngunit naroon sa kanilang mga puso ang pagnanais na makaunawa sa Salita ng Dios. Sa pamamagitan ng "sign language" na isinagawa ni Sis. Lovelyn ay naunawaan nila ang mga himno, sunday school at ang mensahe na ipinarating ng Panginoon sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod. Salamat sa Panginoon na may kapatiran tayong katulad ni Sis. Lovelyn na may kaloob sa pagtuturo ng mga may kapansanan . Nawa'y ipanalangin natin siya na magamit siyang malinis na kasangkapan upang maabot ng tunay na ebangelyo ang mga pipi at bingi. Nawa may maligtas din na katulad nila.

Naging pagpala ang Sunday School na pinangunahan ni Sis. Judith. Ipinaliwanag niya ang paksang "Pagkakapatiran kay Kristo". May dalawang uri ng pamilya sa mundong ito; ang pamilya ng Dios at ang pamilya ng diablo. Upang ang isang makasalanan ay maging kapatiran kay kristo kailangang magsisi siya ng kanyang kasalanan at mamuhay siya ng banal. Yan ang pasimula na siya'y tawaging kristiano o kapatid kay Cristo at hindi na makasalanan. Binigyang pansin din ni Sis Judith ang katotohanang kinamumuhian ng Dios , ang pagkabaha-bahagi. Nais Niya na maipon sa iisang kawan ang Kanyang mga tupa o anak.


Pagkatapos ng Sunday School ay napadako kami sa Divine Worship. Isa sa naging bahagi nito ay ang pagpapahayag ng kasaysayan ng Iglesia ng Dios sa Lungsod ng Baguio. Ang mga nagsaysay ay sina Sis. Imee Cuadra at Sis. Raquel Ordonio. Si Sis. Raquel ang isa sa mga pioneer ng gawain sa Baguio City. Naging malaking hamon sa bawat isa ang kanyang naisaysay tungkol sa pagsisimula ng gawain dito. Ayon sa kanya, may plano ang Dios kung bakit pinahintulutan Niyang palipat-lipat ang kapilya o panambahan sa lugar na ito. Sapagkat s bawat lugar na lilipatan may mga taong maliligtas.

Sa pagpapatuloy ng gawain natunghayan namin ang patotoo ng dalawang kaluluwa na naging bunga ng Radio broadcast. Sina Bro. Melton Ladiocan at Bro. Rodrigo Baniza na pawang taga La trinidad. Si Bro. Melton ay dating Scout Ranger, nakulong sa Benguet Provincial Jail na kung saan nabasa niya ang The Way of Truth Magazine. Sa pamamagitan nito ay namulat siya sa katotohanan. Hanggang sa marinig niya ang programang The Way of truth Broadcast sa radio. mababasa ninyo ang kanyang patotoo sa http://cyfphilippines.blogspot.com. Si Bro. Rodrigo Baniza naman ay isang kaluluwang naghahanap ng katuwiran at katotohanan. Isang gabi napihit niya sa kanyang radyo ang istasyong kung saan nasasahimpapawid ang The Way of Truth Broadcast. Sa patuloy niyang pakikinig nagpasya siyang dumalo sa gawain na noo'y ginagaganap pa sa "Upper Room" sa Km 4, La trinidad. Hindi naglaon siya ay tumanggap sa Panginoon . Isang patunay na ang Dios ay gumagawa lagi ng paraan upang masumpungan ang mga tupang naliligaw.


Nang kami napadako na sa mensahe mga 11:55 na ng umaga sa pasimula pa lang ay napakaganda na ang mensahe ng Panginoon sa pamamgitan ni Bro. Arnold Ordonio, pastor ng Balaoang, Paniqui, Tarlac. Ang kanyang mensahe ay hango sa aming tema na "Without Holiness no man shall see the Lord" na nasa Heb 12:14. Pagkatapos ng mensahe, apat na kaluluwa ang lumapit sa Panginoon. isa rito si Arriane kapatid ng isang dating bilanggo na aming dinadalaw sa BenguetProvincial Jail. Purihin natin ang Dios sa tagumpay ng kanyang gawain dito.

Pagkatapos ng pananghalian kami ay nagkaisang dalawin si Danny Yap ng Camp Dangwa masugid na taga pakinig ng The Way of Truth Broadcast. Nagkaroon kami ng Bible Study sa kanilang tahanan kasama ang kanyang katiwala. Ipanalangin natin siya na maligtas at mapagaling siya sa kanyang karamdaman na di alam ng mga doctor kung ano ito. Ito ang ulat ng aming ika-pitong taong anibersaryo dito sa Baguio City. Ang biyaya at pagpapala ng Panginoon ang suma-ating lahat.

Thursday, January 11, 2007

COMMENT FROM BRO. JAIME TAGARA IN SAUDI

Dear Kuya Jet,

Una po sa lahat ay nais kong pasalamatan ang Dakilang Diyos sa patuloy Niyang pag-iingat sa bawat-isa na naglilingkod sa Kanya. Lubos pong kasiyahan ang aking nadama ng akin pong mabasa ang Daan ng Katotohanan. Kahit nandito po ako sa malayong lugar ay para na rin po akong nakadalo sa convention dahil nakita ko po ang mga larawan na kuha sa convention. Nagbigay po ito ng malaking hamon sa akin upang patuloy po akong maglingkod at lumago sa aking pananampalataya. Salamat dahil pinagkalooban po kayo ng Diyos ng talento upang maipaabot ang babasahing ito sa akin at sa iba pang mananampalataya sa buong mundo. Kayo po ay malaking hamon sa bawat Kristiyano dahil sa patuloy ninyong katapatan. Buong puso po akong nagpapasalamat sa Diyos at sa inyo dahil isa po ako sa labis na napagpapala ng babasahing ito. Dalangin ko po ang patuloy na paglago ng gawain ng Diyos at paglawak pa ng Daan ng Katotohanan. Pagpalain po kayo ng Dakilang Diyos na Buhay. Maraming maraming salamat po!!!



Lubos na nagpapasalamat,

Bro. Jaime Tagara Jr.
Saudi Arabia

Thursday, January 04, 2007

COMMENT FROM SIS. JHEN EUGENIO FROM TAIWAN

Dear Kuya Jet,

Pagbati sa matamis na pangalan ng ating Panginoong Tagapagligtas!
Una po sa lahat ay nais kong pasalamatan ang Panginoon sa patuloy Nyang pag-iingat ng aking tinanggap sa Kanya. Tunay na ang Dios ay hindi nagkukulang sa lahat ng bagay hanggang tayo ay patuloy na umaasa sa Kanyang Dakilang pag-ibig at kahabagan.
Musta na po kayo at ang convention? Nag-email po ako dahil nais ko pong ipaabot ang aking pasasalamat sa inyo. Pinupuri ko po ang Dios sa karunungan na ipinagkakaloob sa inyo upang sa pamamagitan ng internet ay mabigyan din ako ng pagpapala sa mga gawain ng Dios sa panahon ng convention. Sa pamamagitan po ng blogspot ng daan ng katotohonan ay napapagpala ako sa mga report bagamat di po nyo ako kasama ay nakakatamo din po ako ng ambon ng pagpapala ng convention. Diko po mapigil lumuha habang nagbbrowse at nagbabasa ng mga report damang dama ko ang kanyang pagpapala Nya. Di ko po malirip ang kabutihan ng Dios sapagkat unti-unti ko pong nakikita ang kanyang pagkilos upang patuloy na maipalaganap ang kanyang gawain. di po malayong mangyari na darating ang panahon na maari naring mapakinggan ang broadcast ng daan ng katotohan sa net. Lam ko po na mangyayari yan sa kaparaanan narin ng Dios. Naniniwala po ako na sa lahat ng bagay ay may layunin Siya. Dalangin ko po sa Dios na patuloy Nya kayong gamitin sa kaganapan ng Kanyang mga plano. Umasa po kayo sa aking panalangin. Nawa'y idalangin nyo rin po kami sa Panginoon na di lang kami makapanitili sa Kanya kundi makahikayat din ng mga kaluluwa palapit sa Kanya. Hanggang dito nalang po. Bukas nalang po uli. Intayin ko po uli ang report nyo. God Bless....

Dumadalangin,
Sis. Jhen