Wednesday, January 31, 2007

E-MAIL FROM SAUDI ARABIA

Dear Kuya Jet,

Pagbati sa ngalan ng Panginoong Jesus na ating tagapagligtas. Muli po akong sumulat sa inyo upang akin pong maipabot ang taus-puso kong pasasalamat sa Panginoon at sa inyong patuloy na paglilingkod sa Kanya. Salamat po sa patuloy ninyong paghatid ng mga pagpapala sa pamamagitan ng Daan ng Katotohanan. Araw-araw ko pong binubuksan ito at ako po ay napagpapala sa mga mensahe at mga larawan ng mga kapatid na aking nakikita. Tunay po na nagiging hamon sa akin ang mga kapatiran na patuloy na naglilingkod mula noon hanggang ngayon.

Marahil ay marami na ang hindi nakakikilala sa akin. Ako po ay tumanggap sa Panginoon noong 1991 sa aming bahay sa Bagcok, Paniqui sa pamamagitan nina Kuya Manny Yangco at Kuya Florencio. Marami po kaming kabataan na tumangap sa Bagcok at lagi naming nakakasama sa gawain si Ate Judith. Naging aktibo po ako noon sa paglilingkod sa Panginoon kaya nakakasama po ako sa mga revivals, mga overnight at mid-night prayer meetings at naka-attend din po ako ng mga seminar tuwing Abril. Kaya isa pong malaking hamon sa akin tuwing nakikita ko ang mga kapatiran sa larawan na patuloy na naglilingkod. Dahil mula noong ako ay tumanggap sa Panginoon ay nakikita ko na sila hanggang ngayon ay di pa rin nagbago ang kanilang init sa paglilingkod. Tunay nga na walang imposible sa Diyos kung tayo lamang ay magiging tapat sa Kanya.

Malaking pagpapala po ang naibibigay ng Daan ng Katotohanan sa akin dito dahil marami po akong nalalaman tungkol sa Salita ng Diyos at tungkol sa mga gawain diyan sa Pilipinas. Tunay nga na patuloy na lumalago ang Kanyang gawain. Salamat sa mga tunay na anak ng Diyos na patuloy na nagpapagamit upang maging pagpapala sa mga tulad kong nasa malayong lugar at sa mga taong nangangailangan ng hamon.

Nais ko rin pong ipaabot ang aking pasasalamat kina Ate Judith, Kuya Rey at Sis. Nora sa patuloy nilang paglilingkod sa lugar ng Bagcok. Salamat dahil nagpapatuloy po ang gawain sa aming tahanan. Nais ko rin pong pasalamatan ang mga kapatiran sa patuloy nilang pananalangin sa akin at sa aking sambahayan. Salamat din kuya Jet dahil naisama sa Daan ng Katotohanan ang mga kanta na aking ginawa. Kung loloobin po ng Panginoon ay magbabakasyon po ako sa March 20. Isama po ninyo sa panalangin ang nalalapit ko pong bakasyon. Hanggang sa muli ko pong liham. Pagpalain po kayo ng Dakilang Diyos na Buhay.


Nagpapasalamat at Dumadalangin,
Bro. Jaime
(OFW, Saudi Arabia)

No comments: