ULAT TUNGKOL SA IKA-PITONG ANIBERSARYO NG IGLESIA NG DIOS SA BAGUIO CITY - Bro. Stevenson Timango
Salamat sa Panginoon sa tagumpay ng ika-pitong taong anibersaryo ng Iglesia ng Dios sa Baguio City. Ito ay naganap noong Enero 14, 2007 sa k.m. 4, Asin Road, Baguio City.
Humigit kumulang limampung katao ang mga dumalo na kinabibilangan ng mga kapatiran galing sa Dubai, Tarlac at Pangasinan. Si Sis. Judith Batalla ang itinayo ng Panginoon bilang Sunday School teacher at si Bro. Arnold Ordonio naman ang mensahero. Naging pagpala rin sa bawat isa ang mga dumalong bisita na mga mag-aaral ni Sis. Lovelyn Hogat. Sila'y mga pipi't bingi ngunit naroon sa kanilang mga puso ang pagnanais na makaunawa sa Salita ng Dios. Sa pamamagitan ng "sign language" na isinagawa ni Sis. Lovelyn ay naunawaan nila ang mga himno, sunday school at ang mensahe na ipinarating ng Panginoon sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod. Salamat sa Panginoon na may kapatiran tayong katulad ni Sis. Lovelyn na may kaloob sa pagtuturo ng mga may kapansanan . Nawa'y ipanalangin natin siya na magamit siyang malinis na kasangkapan upang maabot ng tunay na ebangelyo ang mga pipi at bingi. Nawa may maligtas din na katulad nila.
Naging pagpala ang Sunday School na pinangunahan ni Sis. Judith. Ipinaliwanag niya ang paksang "Pagkakapatiran kay Kristo". May dalawang uri ng pamilya sa mundong ito; ang pamilya ng Dios at ang pamilya ng diablo. Upang ang isang makasalanan ay maging kapatiran kay kristo kailangang magsisi siya ng kanyang kasalanan at mamuhay siya ng banal. Yan ang pasimula na siya'y tawaging kristiano o kapatid kay Cristo at hindi na makasalanan. Binigyang pansin din ni Sis Judith ang katotohanang kinamumuhian ng Dios , ang pagkabaha-bahagi. Nais Niya na maipon sa iisang kawan ang Kanyang mga tupa o anak.
Pagkatapos ng Sunday School ay napadako kami sa Divine Worship. Isa sa naging bahagi nito ay ang pagpapahayag ng kasaysayan ng Iglesia ng Dios sa Lungsod ng Baguio. Ang mga nagsaysay ay sina Sis. Imee Cuadra at Sis. Raquel Ordonio. Si Sis. Raquel ang isa sa mga pioneer ng gawain sa Baguio City. Naging malaking hamon sa bawat isa ang kanyang naisaysay tungkol sa pagsisimula ng gawain dito. Ayon sa kanya, may plano ang Dios kung bakit pinahintulutan Niyang palipat-lipat ang kapilya o panambahan sa lugar na ito. Sapagkat s bawat lugar na lilipatan may mga taong maliligtas.
Sa pagpapatuloy ng gawain natunghayan namin ang patotoo ng dalawang kaluluwa na naging bunga ng Radio broadcast. Sina Bro. Melton Ladiocan at Bro. Rodrigo Baniza na pawang taga La trinidad. Si Bro. Melton ay dating Scout Ranger, nakulong sa Benguet Provincial Jail na kung saan nabasa niya ang The Way of Truth Magazine. Sa pamamagitan nito ay namulat siya sa katotohanan. Hanggang sa marinig niya ang programang The Way of truth Broadcast sa radio. mababasa ninyo ang kanyang patotoo sa http://cyfphilippines.blogspot.com. Si Bro. Rodrigo Baniza naman ay isang kaluluwang naghahanap ng katuwiran at katotohanan. Isang gabi napihit niya sa kanyang radyo ang istasyong kung saan nasasahimpapawid ang The Way of Truth Broadcast. Sa patuloy niyang pakikinig nagpasya siyang dumalo sa gawain na noo'y ginagaganap pa sa "Upper Room" sa Km 4, La trinidad. Hindi naglaon siya ay tumanggap sa Panginoon . Isang patunay na ang Dios ay gumagawa lagi ng paraan upang masumpungan ang mga tupang naliligaw.
Nang kami napadako na sa mensahe mga 11:55 na ng umaga sa pasimula pa lang ay napakaganda na ang mensahe ng Panginoon sa pamamgitan ni Bro. Arnold Ordonio, pastor ng Balaoang, Paniqui, Tarlac. Ang kanyang mensahe ay hango sa aming tema na "Without Holiness no man shall see the Lord" na nasa Heb 12:14. Pagkatapos ng mensahe, apat na kaluluwa ang lumapit sa Panginoon. isa rito si Arriane kapatid ng isang dating bilanggo na aming dinadalaw sa BenguetProvincial Jail. Purihin natin ang Dios sa tagumpay ng kanyang gawain dito.
Pagkatapos ng pananghalian kami ay nagkaisang dalawin si Danny Yap ng Camp Dangwa masugid na taga pakinig ng The Way of Truth Broadcast. Nagkaroon kami ng Bible Study sa kanilang tahanan kasama ang kanyang katiwala. Ipanalangin natin siya na maligtas at mapagaling siya sa kanyang karamdaman na di alam ng mga doctor kung ano ito. Ito ang ulat ng aming ika-pitong taong anibersaryo dito sa Baguio City. Ang biyaya at pagpapala ng Panginoon ang suma-ating lahat.
No comments:
Post a Comment