Wednesday, August 08, 2007

RESIPE NG KRISTIANONG BUHAY - Sis. Dada Valdivia

Ang isang putahe na iluluto ay kailangang kumpleto at may tamang sangkap upang ito ay maging masarap at kaaya-ayang kainin. Tulad ng "Bicol Express", hindi dapat mawala ang sangkap na sili na talaga namang pampagana sa pagkain.

Mga mahalagang sangkap sa matagumpay na buhay-Cristiano:


  1. Pananalangin - Pagkagising sa umaga bago ang mga gawain, umpisahan ang araw sa pakikipag-usap sa Panginoon. Pasalamatan natin Siya sa isang panibagong umaga at humingi tayo ng gabay na sa araw na ito ay magawa natin ang lahat ayon sa kalooban ng Dios. Anuman ang nasa puso natin ay maipararating natin sa Kaniya sa pamamagitan ng panalangin. Hindi lamang sa umaga ang pananalangin, sabi sa I Tes. 5:17, "Magsipanalangin kayong walang patid." Lagi tayong makipag-ugnayan sa Panginoon. Anumang oras kailangan tayong manalangin lalo na kung gumagawa ang kalaban. Humingi tayo ng gabay at tulong sa Panginoong makapangyarihan sa lahat
  2. Pagbabasa at pag-aaral ng salita ng Dios - Sa pagbabasa ay nalalaman natin ang kalooban ng Dios. Una ay basahin natin ang Biblia o banal na kasulatan, the best-seller book in the world. Kakaiba ito sa lahat ng aklat o magasin na mababasa natin. Sa paulit-ulit nating pagbabasa, ibayong kaalaman ang ating matatamo. Sa pagsasaliksik natin, lalo pang liwanag ang makikita natin. Tunay na pagkain ito ng ating kaluluwa. Marami ring mga babasahin patungkol sa salita ng Dios na magbibigay ng hamon at kalakasan sa ating buhay espiritwal.
  3. Pakikipagtipon - Hindi maikakaila na talaga namang abala ang mga nanay sa gawaing bahay araw-araw. Subalit gaano man tayo kaabala, huwag nating pabayaan ang pakikipagtipon, Sunday worship at prayer meeting. Malaking kakulangan sa isang mananampalataya ang pagliban sa mga gawain lalo na kung madalas itong mangyari. Nakakalungkot kapag may mga kapatid tayo na dati ay kasama sa mga pagtitipon, maging sa mga paghayo, na sa ngayon ay hindi na nakakasama. Kung dumarating ang convention, may mga kapatid na hindi dumadalo. Nakakapanghinayang na ang mga pagpapalang espiritwal ay hindi nila napakinggan. Sa Heb. 10:25, sinasabing huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon na gaya ng ugali ng iba, kundi mangag-aralan sa isa't isa lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw. Lagi nating naririnig at nakikita natin ang mga senyales na nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
  4. Papapatotoo - Ipatotoo natin sa sanlibutan ang ginawang pagliligtas ng Panginoon sa atin, mula sa buhay na makasalanan tungo sa buhay na banal. Ibahagi natin ang katotohanan sa ating mga mahal sa buhay, mga kapitbahay at sa ibang tao. Kung paano na sa pamamagitan ng ating mga kapatid na nagtiyaga na maibahagi sa atin ang katotohanan ay gayon din ang gawin natin upang sila man ay makakilala rin sa Dios. Maging ilaw at asin tayo sa sanlibutan. Makita sa ating buhay ang kaibahan ng isang tunay na mananampalataya at maging pagpapala sa iba.

Maging masarap na samyo sa Dios nawa ang ating mga buhay.

- Sis. Dada Valdivia of Quezon City Congregation

No comments: