Sunday, July 30, 2006

ANONG IBIG SABIHIN NG MAGTIWALA SA PANGINOON

Mula sa aklat na Heart Talks by C. W. Naylor
Isinalin sa Tagalog ni
Sis. Meldy Santiago
Usapan 1


ANONG IBIG SABIHIN NG MAGTIWALA SA PANGINOON
(What it means to trust the Lord)

Sa bawat bahagi ng Biblia, tayo’y paulit-ulit na inaaralan na magtiwala sa Panginoon. Binabalaan tayo laban sa pagtitiwala sa mga pamunuam, kayamanan o sa ating sarili man, sapagkat ang lahat ng pagtitiwalang ito ay walang kabuluhan. Ang pagtitiwala sa Panginoon ay pinapahiwatig sa pagiging mapayapa, mapagpala at nagbubunga ng mga kanais-nais. Ito ang ating pag-asa, ating kalakasan, ating kaligtasan at ating saklolo.

Ngunit ano ba ang kahulugan ng pagtitiwala? hindi ibig sabihin nito ang kawalang-ingat o pagwawalang bahala. Ang pabayaan na lang ang isang bagay at sabihing “Ah sa palagay ko naman ay magiging maayos ang lahat” ay hindi pagtitiwala. Ang pagpapabaya ay hindi pagtitiwala. Ang pagtitiwala ay isang positibong kaisipan, Ito’y tunay at may katiyakan, hindi isang pagbabakasakali. Ito’y isang malinaw na pananaw ng kaluluwa at isip. Ang pagkaunawa sa ating pangangailangan at sa kasapatan naman ng Dios sa ating pangangailangan. Ito’y ang abutin ang Dios at manalig sa Kanya.

Ang kaluluwang tunay na nagtitiwala ay hindi matatangay ng bawat hangin. Hinahampas man siya ng alon pero di siya maihahagis sa batuhan; dahil siyang nagtitiwala ay malakas, dahil nasa Kanya ang lakas ng Dios.

Ang pagtitiwala ay hindi nangangahulugan ng pagpikit ng ating mata sa katotohanan. Walang ganoong bagay na “bulag na pananampalataya’. Ang pagtitiwala ay tumitingin sa tunay na pangyayari, Nakikita nito ang babala ng panganib at pinaguukulan niya ito ng pansin. Nakikita nito ang pangangailangan at hindi sinusubukang pagtakpan ito. Nakikita ang kahirapan at hindi niwawalang bahala ang mga ito. Ngunit sa kabila ng nakikita niyang ito, tumitingin siya sa likod ng mga ito at nakikita niya ang Dios, ang kanyang sapat na tulong at saklolo. Nakikita niya ang kahigitan ng Dios sa mga pangangailangan niya sa mga panganib, sa mga kahirapan at hindi siya napadadaig sa mga ito.

Walang takot sa pagtitiwala ang dalawa ay magkasalungat. Kung tayo’y natatakot, hindi tayo lubos na nagtitiwala. Ang takot ay nagpapahirap! Gaano karami ang palagi na lamang na ginugulo ng takot. Natatakot sila sa diablo, pagsubok, tukso, hangin, kidlat, magnanakaw, at sa kung anu-ano pa. Ang kanilang mga araw ay sinasamahan ng takot sa mga bagay-bagay. Ang kanilang mga kapayapaan ay nawawala at nagugulumihanan ang kanilang mga puso. Sa lahat ng ito ang pagtitiwala ang lunas. Hindi ibig sabihin na kung ikaw ay nagtitiwala ay wala ng makakagulat o makasisindak sa iyo o hindi ka na makakadama ng pisikal na takot sa panahon ng panganib, kundi sa ganoong pagkakataon, ang pagtitiwala ang nagbibigay sa atin ng kamalayan na alam ng Dios ang lahat at ipinagmamalasakit Nya tayo at ang Kanyang presensya ay nasa atin.

Nang si John Wesley ay tumatawid sa Atlantica mula sa Englatera patungong America upang maging misyonero sa India. Ang barkong kanyang sinasakyan ay naka sagupa ng isang malakas na bagyo, na tila baga lahat silang nakasakay ay mapapahamak. Marami na ang mga nababagabag at natatakot at nawawalan ng pagasa. Isa si John Wesley sa mga bilang na ito. Sa gitna ng malakas na bagyo natuon ang pansin ni John Wesley sa ilang Morabiano na nakaupong payapa at di nagagambala sa panganib ng bagyo. Nagtaka si John Wesley sa kanilang mapayapang mukha. Nagtanong sya kung bakit ganito sila. Sumagot ang mga ito at sinabing silay nagtitiwala sa Panginoon at mayroon sila sa kanilang kalooban ng kamalayan na pinoprotektahan at iniingatan sila ng Dios. Hindi sila natatakot sapagkat walang dapat ikatakot ang isang Cristiano sa panahong iyon. Wala pa si John Wesley ng ganoong karanasan ngunit kanyang natutuhan sa mga simpleng taong Cristiano na yon. Iyon ang naging dahilan upang hanapin niya ang karanasang ito.

Walang kabagabagan sa pagtitiwala. Kung tayo’y nababagabag sa isang bagay,hindi pa natin lubos na ipinagkatiwala ito sa Dios. Inaalis ng pagtitiwala ang kabagabagan. Maraming mga tao na ginagamit ang malaking bahagi ng kanilang lakas sa pag -aalala lamang. Lagi na lang na may bumabagabag sa kanila, ang kanilang mga araw at gabi ay puno ng kabagabagan. Nakagawian na nila ang mabalisa. Napakaliit na ang puwang ng kapayapaan, katiwasayan at katiyakan sa kanilang mga buhay. Ang lunas sa lahat ng ito ay pagtitiwala. Bumubulong ito sa ating puso na wala tayong dapat na ikabahala. Hinahamon nya tayo na magpakatapang, tinitiyak sa atin na ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan, na nasa Kanyang mga kamay ang lahat at gagawin Nya ang mabuti para sa atin.

O' Kaluluwa, tigilan mo na ang pag-aalala, at magtiwala ka. Ito ang higit na mabuti. Kung masusumpungan mo ang iyong sarili na mababahala, tumigil ka at alisin mo ang iyong pansin o paningin sa bagay na bumabagabag sa iyo. Tumingin ka sa itaas, patuloy kang tumingin hanggang makita mo ang Dios at ang Kanyang walang hanggang pagkalinga sa iyo. Alalahanin mo na kapag ikaw ay nababagabag, hindi ka nagtitiwala. At kung ikaw ay nagtitiwala, hindi ka nababalisa. Ang kabalisahan ay nagpapatamlay, nagpapahina ng loob, at nakawawala ng lakas natin. Hindi ito makatutulong sa atin sa ano mang paraan. Ito’y laging hadlang sa atin. Nais ng Dios na dalhin tayo sa mapayapa at matiwasay na buhay gaya ng gabing tag-araw. Ibig nyang mawalan tayo ng kabalisahan tulad ng mga ibon at mga lirio na malaya sa kabagabagan. Ang pagtitiwala ang magdadala sa atin sa ganitong karanasan, “Hindi ka ba magsasanay na magtiwala?” “Na inyong ilagak ang inyong kabalisahan, sapagkat ipinagmamalasakit niya kayo”

Walang pagrereklamo sa pagtitiwala. Kung ang lahat ay ipinagkatiwala na sa Dios, naghahatid ito ng kasiyahan sa pakikipag-ugnayan ng Dios sa atin. Nakakaawit tayo mula sa puso na “Ang paraan ng Dios ang mabuti, hindi ako magrereklamo. Kung tayo’y nagtitiwala , madali para sa atin ang magpuri sa Dios. Puno ng pasasalamat ang ating puso at pagpupuri. Kung ikaw ay nagrereklamo, ito’y dahil sa hindi ka nagtitiwala. Walang mapait na damdamin kung hindi nangyari ang isang bagay na iniisip nating dapat sanang mangyari kung tayo’y magtitiwala. Ang kapaitan ay mula sa pusong rebelde, at walang pagrerebelde sa isang nagtitiwala. Ang pagtitiwala ay lagimg makapagsasabing “Hindi ang aking kalooban kundi ang kalooban Mo ang siyang masunod,”

Sa pagtitiwala, may kapayapaan, ang kapayapaan ng Dios na di malirip. May katiwasayan sa puso ng nagtitiwala. Walang pag-aalinlangan sa pagtitiwala, sapagkat ang pag-aalinlangan ay natatabunan ng katiyakan at ang katiyakan ay nagbibigay kapayapaan at katiwasayan.

Ang pagtitiwala ay nagpapalagay ng loob. Ipinahihintulot nitong makita natin ang Dios sa Kanyang tunay na katangian. Ito ang nag-papatunay sa atin ng kadakilaan at kagandahang loob ng Kanyang pag-ibig. Nagbibigay ito ng kamalayan sa atin ng Kanyang kapangyarihan at sa pamamagitan nito ay lumilimlim tayo sa ilalim ng Kanyang mga pakpak. Sa pamamagitan nito ay nawawala ang kapangyarihan ng kaaway natin, ng panganib, ng takot. Alam nating tayo’y may katiwasayan at kapahingahan. Sabi Niya “Makakasumpong ka ng kapahingahan sa iyong kaluluwa”. Siyang nagtitiwala ay nakakasumpong ng kapahingahang ito. Hindi tayo binigyan ng Dios ng kaguluhan at kagulumihanan, ang sabi Niya “Sa akin ay mayroon kayong kapayapaan” at muli “Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.” Hindi ba ito mahalagang pangako? “Totoo ba ito sa iyong buhay? Ibig ng Dios na maging totoo ito sa iyo. Ang pagtitiwala ang gagawa nito sa iyo.

Hindi ito magiging tunay hangga’t hindi mo natutuhang magtiwala. Ang pagtitiwala ang ugat na humahawak at nagpapalago sa puno ng buhay Cristiano. Ang pagtitiwala ang nagiging dahilan upang ito’y mamulaklak at magbunga, at habang lalo kang nagtitiwala, lalo namang dumarami at sumasagana at lalong kusang dumadaloy ang magiging bunga ng iyong katuwiran.

Nasabi ko na ang ilang bagay tungkol sa pagtitiwala. Ngayon ay ibig ko namang sabihin ang iba pang bagay na napapaloob sa pagtitiwala. Ang pagtitiwala ay pagpapasakop. Madalas na nabibigo ang Dios na gawin ang isang bagay para sa atin dahil hindi natin Sya pinabayaan na gawin ito. Nais natin magplano para sa ating sarili. Nais nating magawa ang isang bagay sa paraan na tila mabuti sa atin sariling karunungan. Marami sa atin ang gaya ng isang babae na sinabi ang kanyang asawa na madalas silang umaalis at nangangabayong magkasama, na kung minsan ay natatakot ang kanilang kabayo, at kung ito’y matakot na, ang asawang babae ay matatakot din at ibig na biglang hawakang mahigpit ang tali kung kaya, kailangan niyang kontrolin pareho ang kabayo at ang kanyang asawa naging lalong mabigat ang kanyng trabaho. Sa halip na kabayo lang ang kokontrolin niya, maging ang asawa ay dapat ding kontrolin.

Gaano karami sa atin ang katulad ng babaeng ito! Kapag may ano mang banta ng masama, tayo’y naaalarma at sinusubukang tulungan ang Dios sa Kanyang gagawin. Nadarama nating hindi sapat na ipaubaya na lang ang lahat sa Kanyang mga kamay ang mga pangyayari. Ang ating hindi pagsasakop sa Kanya ay madalas na nagpapalala sa pangyayari at lalong bumibigat para sa Dios na pangunahan tayo kaysa sa pangunahan ang pangyayari. Ang magtiwala sa Dios, ibig sabihin alisin natin ang ating kamay sa pagkakahawak sa mga pangyayari. Ibig sabihin hayaan natin ang Dios sa Kanyang paraan at pabayaang gawin ang alam Niyang makabubuti sa atin. Maaring mahirap pag-aralan, ngunit hahadlangan mo ang Dios hangga’t di mo natutuhang magpasakop sa Kanya.

Sapagkat Dios ang gumagawa sa inyo, maging sa pagnanansa at sa paggawa, ayon sa Kanyang mabuting kalooban (Fil.2:13). Kung ang yong buhay ay napasuko sa Dios, gagawa Siya ayon sa pagnanasa at sa paggawa. Siya’y tutulong sa pagpaplano at sa pagsasagawa ng plano. Pangungunahan ka sa pagpili at pagtupad sa pinili. Kung di mo pa kayang magpasakop sa Kanya, di mo pa naabot ang kalagayan na kaya mo ng magtiwala. Kailangan mo munang bumitiw sa iyong sarili at sa pangyayari at ang pagtitiwala ay magiging natural at magiging madali. Paano kang magtitiwala sa Kanya kung hindi ka handang gawin para sa Kanya ang nkakalugod sa Kanya. Kung naisuko mo na ang lahat sa Kanya, at nasa Kanyang kaparaanan na ang lahat, ang mapagpalang bunga ng pagtitiwala ay darating sa yong buhay.

Sa pagtitiwala, naroon ang pagsunod. Ibig sabihin, gumawa ka kasama ng Dios upang magkaroon ng bunga. Hindi maaaring maupo na lang tayo at pagsalikupin ang mga kamay na walang ginagawa at umasa na lang na mangyayari ang isang bagay.. Kailangang maging tagagawa tayo at di tagatakas sa gawain. Ang taong dumadalangin sa masaganang ani, ngunit wala namang inihandang lupang taniman at halamang pananim ay dumadalangin ng walang kabuluhan. Ang pananampalataya at gawa ay kailangang magkasama. Kailangang pabayaan natin ang Dios na pangunahan tayo sa ating pagpapagal at turuan tayo sa ating dapat na pagpagalan. Kailangang handa tayong gumawa kung nais Nyang tayo’y gumawa sa paraan na nais Nya. Ang layunin nating magtiwala ay mawawalan ng halaga kung hindi tayo handang sumunod. Ito ang pinagmumulan ng problema ng maraming tao. Handa silang sumunod hanggat ang utos ay ayon sa kanilang kagustuhan, ngunit kung ito’y taliwas na sa kanilang nais ay ayaw na nilang sumunod. Ang ating pagsunod ay kailangang lubos at bukal sa kalooban, kung hindi, hindi tayo makapagtitiwala.

Ang pagtitiwala’y may pagtitiis. Kahit ang Dios ay hindi pinapangyari ang lahat ng mga bagay ng madalian. Inaaralan tayo na “sapagkat kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, sapagkat kung inyong magawa ang kalooban ng Dios ay magsisitanggap kayo ng pangako”(Heb.10:36). Madalas na ibig nating matugunan agad ang ating dalangin, kung hindi dumating agad ang sagot, nawawalan na tayo ng pagtitiis at iniisip nating hindi na tutugon ang Dios. Walang saysay kung ating mamadaliin ang Dios. Hinahadlangan lang natin Siya kung magmamadali tayo. Tandaan natin, hindi Siya gagawa ayon sa plano natin kundi ayon sa plano Niya. Ang panahon sa Kanya na mkapangyarihan sa lahat ay iba sa panahon natin.

Isang kapatid ang nagpahayag ng kanyang suliranin, “kapag ibig kong magawa ang isang bagay, nais kong mangyari ito agad” Maraming taong hindi kayang magtiis at maghintay. Nais nilang ngayon na. Ito’y malaking hadlang sa kanilang pananampalataya. Sinabi sa Awit 37:7 “Ikaw ay magpahinga sa Panginoon at maghintay kang may pagtitiis sa Kanya” Hindi lang tayo dapat maghintay sa Kanya na may pagtitiis na gawinang Kanyang layunin kundi kasabay noon ay magpahinga rin tayo sa Kanya. May mga taong kayang mghintay, ngunit di kayang magpahinga. Hindi sila mapalagay at di makatiis, nais nilang madaliin ang Panginoon. Kadalasan ang resulta, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya . Kailangang dagdagan natin ng pagtitiis ang pananampalataya upang maging mabisa. Kung ikaw ay talagang nagtitiwala, kaya mong maging mapagtiis. Maaaring hindi ito madali, pero habang napapasakdal ang iyong pagtitiwala, saka naman nagiging madali ang pagtitis.

Ang pagtitiwala sa Dios ay isang aktibo at positibong bagay. Ang pagtitiwala sa Panginoon na ililigtas tayo, naroon ang pagtitiwala sa Kanya na gagawin Nya ito. Ito’y nagdadala sa iyo sa paniniwalang ginawa na Nya ito. Mayroong tiyak na kamalayan ng katuparan nito. Hindi tayo naiiwan na nag-aalinlangan, umaasa pa, o nanghuhula lang kundi mayroon tayong positibong pagtitiwala na nagbubunga ng positibong resulta. Ganoon din sa pagpapakabanal. Ang positibong pananampalataya ay naghahatid ng positibong karanasan. At hanggat nananatili din ang positibong pagtitiwala , nananatili din ang positibong karanasan. Kapag lamang nagumpisang magduda at saka nawawala ang katiyakan ng karanasan. Kung iingatan mo ang iyong pagtitiwala, iingatan din ng Dios ang iyong karanasan. Dito nakasalalay ang sikreto ng patuloy na pagtatagumpay. Maaaring may labanan, subalit ang pagtitiwala ang sandigan ng tiyak na tagumpay.

Ang pagtitiwala sa Dios sa kagalingan ay higit sa pagtangging pumunta sa manggagamot at tumangging uminom ng gamot. May mga taong hindi talaga nagtitiwala sa Dios pero ayaw ding uminom ng gamot. Hindi sinasanay na magtiwala sa Dios sa panahon ng karamdaman. Pinababayaan nilang ganoon na lamang at umasang gagaling din naman, pero hindi sa Dios nagtitiwala ng kagalingan.. Sa ganuong paraan gumagaling din sa natural na paraan. Ngunit ang dalangin ng pananampalatya ay mabisa. Kung minsan, dahil sa epekto sa isip ng karamdaman, hindi magawang magtiwala ng tao. Subalit kung magawa lang niyang magtiwala ng positibo at aktibo, susunod ang resulta ng pagtitiwala.

May lkaligtasan o katiwasayan ang magtiwala sa Panginoon. Sinabi ni Isaias “Ako’y magtitiwala at hindi matatakot (Isa.12:2). Iyan ang ibig ng Dios sa atin na pagtitiwala. Ibig Nyang maging palagay ang loob natin sa Kanya. Ngunit kung minsan tumitingin tayo sa mga pangyayari at ito’y nagiging malaki at mabigat sa tunay na pangyayari at nagiging maliit ang tingin natin sa ating sarili. Naniniwala tayong iingatan at tutulungan tayo ng Dios pero hindi natin mapapatay ang takot. Ang nadarama natin ay kagaya ng takot kung tayo’y nasa labas ng kulungan ng isang mabangis na leon. Alam nating di tayo kayang abutin, alam nating ligtas tayo sa mga pangil, at mga kuko nito. Pero naroon pa rin at di mapigilang makadama ng takot na dapat ay wala tayo sa lugar na yon. Kung ang leon ay lumapit sa tabi ng kulungan palapit sa atin, wala sa loob natin na biglang lumayo, ngunit naroon ang ating pagtitiwala sa mga rehas na nakaharang at di tayo tumatakbo papalayo.
Sinabi ng mga Awit sa atin kung ano ang gagawin kung magkaroon tayo ng ganuong takot “sa panahon na ako’y matakot, aking ilalagak ang aking tiwala sa Iyo” (Awit 56:3). Manatili tayong magtiwala. Hindi tayo sisisihain o susumbatan ng Dios sa takot na di maiiwasan, kundi sa takot na sanhi ng kawalang pananampalataya. Magtiwala tayo sa Dios. Ito ang pinakaligtas na bagay na magagawa mo at hinding-hindi ka Niya bibiguin.*

No comments: