Saturday, August 05, 2006

"ANG DAAN NG KATOTOHANAN" - Isang Tula

Bawa't taong naglalakad dito sa sanglibutan,
May daan na tinatahak na kanyang patutunguhan:
May dalawang daan lamang na kanyang pagpipilian,
Daan ng katotohanan o daan ng kamalian.

Ang daan na likha ng Dios, daan ng katotohanan:
Diablong likhang daan naman ay daan ng kamalian;
Kaya't taong naglalakad, ikaw ay may kalayaan
Na pumili ng daan mo na iyo ngang lalakaran.

Daan ng katotohanan 'pinahahayag ng Biblia,
Sa katauhan ni Cristo, Daang patungo sa Ama;
Siyang tanging isang daan at wala na ngang iba pa,
Kaya't lumakad kay Cristo at sa mga pangaral N'ya.

May daan tila matuwid sa mata mo kaibigan,
Ngunit ang dulo nga niyaon ay daan ng kamatayan;
Kaya't mag-ingat lumakad, ang payo ko minamahal,
Ang sariling unawa mo ay huwag gawing pagbatayan.

Daan ng katotohanan, ay daan ng kabanalan;
Tanging patungo sa langit, na daan ng mga banal;
Walang maruming papasok duon sa banal na Bayan;
Mga tanging nilinis lang, na mula sa kasalanan.

Daan ng katotohanan, ay si Jesucristong mahal,
Tumulo ang kanyang dugo upang tayo'y maging banal;
Hindi sa pangalan lamang, kundi sa tunay na buhay,
Malinis ang mga puso, salita't gawa'y dalisay.

Victoriano T. Luzong
Pastor
Paniqui, Tarlac

No comments: