Friday, August 25, 2006

PAGKALAYA SA KASALANAN AT BABILONIA-Patotoo ni Bro. Bernard Lastado

Pagbati sa inyo sa ngalan ng ating Panginoong Jesucristo! Ako po ang isang kapatid sa Panginoon, Bro. Bernard Lustado,ng Iglesia ng Dios sa Mariduque. Nagpapasalamat ako sa Dios na sa gawain Niya’y makabahagi kahit di karapatdapat sa kanyang harapan. Salamat sa Kanya na sa buhay ko’y pinatunayan ng Panginoon ang pangako Niya na kung ang isang tapat na puso’y naghahanap sa Dios ay masusumpungan Siya. Nawa’y maging hamon ang kasaysayn ng aking buhay bilang isang manananpalataya.

Taong 1975 nang ako’y isilang sa isang ordinaryong pamilya. Dalawang taon na gulang palang ako ng dapuan ng sakit na polyo. Ginawa ng aking magulang ang lahat upang ako’y maipagamot, subalit hindi niloob ng Dios na makalakad pa ng maayos. Nagkaisip ako sa kalagayang ganito at maraming beses na dumating sa buhay ko ang magkaroon ng awa (self-pity) sa sarili at may panahong tumawag pa ako kay Satanas upang makalakad dahil hindi ako kayang tulungan ng relihiyong kinamulatan ko. Kahit na may kapansanan ay nagsisikap ako na maging relihiyoso sa pagbabakasakaling matulungan sa minsa’y itinuring kong masaklap na kalagayan. Hanggang isang araw ay nakita ko ang aking sarili na kabilang na rin sa sekta ng relihiyon sa ganon ding dahilan ang ako’y makalakad.



Ang pag-anib ko sa ibang relihiyon o sekta ay para bang nagpalubag –loob sa dati kong damdamin, inakala kong ito na marahil ang tama subalit hindi pala. Nang amarinig ko ang aral ng Iglesia ng Dios nakita kong ako pala ay nasa kasalanan pa rin. Mahigit sampung taon akong inalipin ng mapanlinlang na katuruan ng sektang aking kinaaniban sapagakat hindi nila itinuturo na ang tao ay maaring maalis sa kasalanan at maka-pamuhay na hindi nagkakasala. Inakala ko noon na tunay na akong anak ng Dios, hindi pa pala. Dahil kahit na ako’y umaawit at tumutugtog ng papuri sa Dios at nangangaral ng salita ng Dios, patuloy pa rin akong nakakagawa ng kasalanan na ilan ay hayag at marami ay lihim. Kahabaghabag ang kalagayan ko sa harapan ng Panginoon dahil lahat ay walang kabuluhan ang aking mga ginagawa para sa Panginoon dahil sa maling pananampalataya.



Salamat sa Dios sapagakat Siya ang gumawa ng paraan upang ako at ang asawa at mga anak ay makalaya sa pandaraya ng Diablo. Salamat sa Dios sapagakat hinahanap Niya ang mga kaluluwang tunay na umiibig sa Kaniya. Salamat sapagkat napatunayan ko na ang Dios ay makapangyarihan, kaya Niyang magbago ng buhay ng tao, kaya Niyang alisin ang kasalanan sa puso ng tao at kaya ng Dios na tulungan ang sinumang nagsisisi na namuhay na hindi na nagkakasala sa kasalukuyang sanglibutang ito. Isang kahangahangang aral itong aking nasumpungan, isang purong ebangelyo na hindi itinuturo at hindi ipinamumuhay ng kahit aling sekta ng relihiyon, ang mamuhay ako ng may kabanalan sa panahong kasalukuyan ng sanglibutan ito. Nawa’y maranasan din ng iba ang dakilang karanasang ito, ang kaligtasan at kabanalan ng buhay.



Sa ngayon ay 30 taong gulang na ako at wala nang nararamdamang awa sa sarili sapagkat sa langit na bayan ng mga banal ay wala ng kapighatian, wala ng kahirapan, sakit, pagluha at kapansanan. Wala ng negatibo doon. Salamat sa Dios ang aking sambahayan ay kasama ko ngayong naglilingkod sa Dios sa kabila ng aking kapansanan. Tunay na kapayapaan at kapanatagan ang dulot ng kaligtasan. Salamat sa mga kapatid na ginamit ng Dios upang marinig ko ang aral ng Iglesia ng Dios, sina Bro. Lino Dela Cruz at Bro. Nelson Plata matatapat na lingkod ng Dios sa Marinduque. PURIHIN ANG DIOS!

No comments: