Tuesday, August 15, 2006

ANG PATOTOO NI PASTOR VICTORIANO T. LUZONG

"Isang dakilang bagay na maranasan ko ang kaligtasan mula sa kasalanan. Mayroon ng 45 taon ngayon ng ipagkaloob sa akin ng mapagmahal na Dios ang biyayang ito. Sa tulong Niya hindi ko na bibitiwan ang kaligatsan na ito anomang mangyari. Ang pagibig Niya ay walang kapantay at hindi malirip ng pagiisip. Naniniwala ako na ang aking pagka-ligtas ay dahil sa "banal na katalagahan" (divine providence). Ito ikinagalak kung ipatotoo:

"Nang ako'y magbibinata na, nagkaroon ako ng sakit na ikamamatay. ang panahon na yaon ay bago nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at ng bansang Hapon dito sa Pacifico. Ang naging karamdaman ko ay desinterya. Sinabi ng doctor na tumingin sa akin ay wala na raw akong pag-asang gumaling at mamamatay na raw ako. Kaya't hindi na niya ako binigyan ng gamot at umuwi na siya. Ngunit sa susunod na araw ay gumaling ako. Isang himala ang pagpapagaling na ginawa ng Panginoon sa akin, na pinagtaka ng aking mga magulang. Yaon ang unang maka-Dios napagpapagaling(divine healing) na ginawa sa akin ng Dios. Nangyari ito na walang panalangin o pananampalataya man. Ang Dios ang nagpagaling sa akin!"

"Nang sakupin ng mga Hapones ang ating bansa, nakisama ako sa mga gerilya upang bumangon laban sa kanila. Nang mapalaya na ang bansa mula sa mga Hapones, itinayo muli ang pamahalaang komonwelt. Hindi kinilala ito at ng pamahalaan ng Amerika ang aming gerilya "outfit" na "HUKBALAHAP", sa halip inusig pa kami, kaysa ganting-palaan. Isa na ako sa mga na "wanted". Humanap ako ng kanlungan sa Lungsod ng Baguio at duon ko natagpuan ang Panginoong Jesucristo bilang sariling Tagapagligtas, ng taon 1949. Dahil sa aking walang hanggang pasasalamat sa Kaniyang kahabagan, ipinagkaloob ko ang aking sarili upang paglingkuran Siya sa Kaniyang kaharian sa pagkakaroon ng bahagi sa pangangaral ng katotohanan at ng ebangelio sa ating bayan, at saan man lugar ako isugo. Salamat din sa pagtawag Niya ng maraming mga kabataan sa paglilingkod sa kaniyang Iglesia. Mayroong isang putong ng buhay ang naghihintay para sa mga matatapat."

"Nagiisip ako ng iba't-ibang paraan kung paano ko Siya mapaglingkuran at makatulong sa pananampalataya ng mga banal. Ito siguro ang ibinigay ng Dios na maging misyon ko sa buhay." AMEN

(Kuha ito sa isyu ng ANG DAAN NG KATOTOHANAN, Abril, 1994)

No comments: